Biyernes, Disyembre 30, 2011

Anghel na Makulit



“MARVY! Umuwi ka na.” Ganyan kadalasan ang sigaw ko sa may amin. Magkakalapit  kasi kami ng mga bahay. Anim na pamilya kami ditong magkakamag - anak. Hindi ko na naman kasi mahagilap sa bahay ang makulit na bata. Malamang ay nakikipaglaro ito sa pinsan namin o sa tita namin sa kabilang bahay.
Si Marvy ay kapatid ko. Siya ay limang taong gulang pa lamang. Isang maputi, matangkad, gwapo at bibong bata ito. Maraming tao ang aliw na aliw sa kanya. Ang karamihan sa mga kababaihan na nakakakita sa kanya ay nais siyang maging boypren nila o ng kapatid nila. May star factor kasi ito. Hilig pa nito ang kumanta(kahit na wala sa tono), sumayaw(kahit na matigas ang katawan) at manggaya ng mga napapanuod nito sa telebisyon tulad ng mga komersyal. Halos lahat na ata ng komersyal ay alam nito. Ang hilig kasi manuod e, mapatelebisyon man o ung mga vcd. Marunong din siyang magcomputer. Marunong siyang maglaro ng kung ano – anong laro na nakasave. Siya pa mismo ang magbubukas at magsasara nito. Nagbubukas din siya ng internet para maglaro. Hindi papahuli itong kapatid ko sa mga ganyan kahit na hindi pa ito sanay magbasa.
Napakamalapit nito sa akin. Ako kasi ang nag – aalaga sa kanya kahit pa nung baby pa siya. Ako kasi ang panganay sa aming tatlong magkakapatid at hilig ko naman talaga ang mga bata. Nakakatuwa kasi sila. Kahit ano atang gawin nila ay matutuwa ka. Halos ako ang tumayong nanay niya o yaya niya. May pasok kasi si mama kaya sa akin siya naiiwan noon. Hindi pa naman ganun kaalaga ung isa kong kapatid. Ako ang magtitimpla ng gatas, ako ang magkakarga, ako ang makikipaglaro, ako ang magpapatulog at ako din ang maglalaba ng mga damit niya. Madalas niya akong kasama sa kulitan at lahat. Kada uwi ko nga galling sa paaralan ay may uwi ako sa kanyang pagkain. Mapili kasi ito sa pagkain niya. Ang kinakain niya lang ay biskwit, tinapay, kanin na may sabaw at gulay, at ilan pang mga pagkain. Hindi siya kumakain ng isda at karne. Sunod tuloy sa gustong pagkain. Ipagmamcdo pa nga yun para lang kumain ng kapirasong manok.
Nung minsang nagsimba kaming pamilya ay may nakasalubong kaming kaibigan ni mama. Akala nito ay anak ko si Marvy. Marami na nga naman ang nagkakaanak ng maaga. Hindi din kasi nakita nito na nagbuntis si mama. Hindi kasi ito palalabas at ganun na din kami ng isa ko pang kapatid. Natawa na lang ako sa tinuring ng kaibigan ni mama. Wala naming masama dahil malapit lang talaga ako sa kapatid ko. Minsan din kasi ay nak na ang tawag ko sa kanya. Parang lambing ko na din sa kanya.
Siya ang kumompleto sa pamilya naming. Siya ang nagpapasaya sa araw – araw namin kahit na nagiging matigas na ang ulo nito. Napakamapagmahal at maaalalahanin din kasi nito. Simpleng yakap at halik lang galing kay bunso ay ikatutuwa mo na. at sasamahan pa niya iyon ng pangungulit kung ano ang uwi mo. Sampung taon siyang plinano ng mga magulang ko. Sampung taon kaming nag -  antay ng kapatid ko. At masasabi kong “worth it” naman na nagdesisyon silang sundan pa nga ang kapatid ko. Dahil sa kanya naging masaya ang buhay namin. Mas naging makulay ang aming pagsasamahan. Isa siyang anghel na napakakulit at pilyo. Siya ang munting anghel ko sa buhay ko.

Huwebes, Disyembre 29, 2011

Dalawang Mukha


 
 Tao o ibon? Iyan ang tanong kapag mamimili ka gamit ang barya. Katulad ng barya ang mundo natin o sabihin na nating ang ating buhay dahil mayroon itong dalawang mukha. Sa barya ay ang tao at ibon at sa buhay natin ay ang kabutihan (tama) at kasamaan (mali).
Ito ang gustong ipakita ni Joey Ayala sa kanyang kanta na Magkabilaan, na ang bawat bagay ay mayroong kabaligtaran, ang itim ay sa puti, ang sa liwanag ay sa dilim. Sabi pa niya, “ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba”. Ito ang sumusuporta sa madalas na sabihin natin sa isang tao na “hindi mo kayang ipanig sa’yo ang lahat ng tao”. Ito ang dahilan kaya tayo ay nagkakaroon ng magkakaibang paniniwala sa buhay, kaya nagkakaroon ng mabuti at masama.
Ang lipunan natin ay nahahati sa dalawa, ang mga mahihirap at ang mga mayayaman. Ang karamihan ay napapabilang sa mga mahihirap. Sila ang nagpapakahirap sa pagtratrabaho para lang sa ikayayaman ng iilan. Sila na nga ang nahihirapan, kadalasan ay hindi pa maibigay ang tamang pagtrato at benepisyo sa kanila. Silang mga mahihirap pa ang walang makain sa araw – araw, ang may tahanang gawa sa materyales na madaling masira at ang may hindi asensadong pamayanan. Kung sino pa ang mayaman na nasa posisyon sa lipunan, ay siya pang may gusto na paglingkuran ng mga mahihirap. Ang mga buwis na ibinabayad sa pamahalaan ay siya pa nilang ibubulsa para sa pag angat nila.
Hindi ba nakakasawa ang ganitong takbo na lipunan? Ilang dekada na ang lumilipas ngunit marami pa din ang hindi kuntento sa takbo ng ating lipunan. Ang ilan ay umaasa sa proyekto ng gobyerno ngunit sila ay nabibigo. At dahil sa kabiguan na ito ay minsan sila’y nakakagawa ng hindi maganda sa kapwa. Maraming mga bagay ang nag uugat sa masamang pagpapatakbo sa ating gobyerno. Hindi pa ba sapat ang mga nangyari noon upang tayo ay mamulat at kumilos na para sa magkabilaang mundo natin? Nawa’y naliwanagan nang kanta ang ating mga isipan. Nawa’y pumanig na tayo sa mga taong may tapat na hangarin para sa ating lipunan.

Ang Simbang Madaling Araw Ko

“Ma hindi po maganda pakiramdam ko.”  Ganyan ako madalas kapag mayroon akong sakit. Ito ang isa sa mga kinaiinisan kong mangyayari sa akin. Ayokong mayroon akong sakit lalo na kung ito ay ubo. Hirap na hirap kasi ako sa ubo. Mayroong mga bagay na hindi ko nagagawa kapag ako’y may sakit. Wala kasi sa kundisyon ang aking katawan.
Tuwing ika – 16 ng disyembre ay sinisimulan ang simbang madaling araw. Kung simbang gabi naman, ito ay sinisimulan kapag ika – 15 ng disyembre. Ito ang simula ng taunang siyam na araw na pagsisimba bilang paghahanda sa kapaskuhan. Ang sabi, kapag nabuo mo ang siyam na araw ay matutupad ang kahilingang binanggit mo noong unang araw. Nakagawian ko na ring magsimbang madaling araw ngunit sa ilang taon ko ng pagsisimba ay ni minsan hindi ko ito nakumpleto. Ngayong taon ay gustong – gusto ko itong makumpleto. Hindi dahil sa may hihilingin ako. Nung nakaraang taon kasi ay isang araw lang ang kulang ko.
Dumating ang ika – 16 ng disyembre. Ito din ang huling araw ng klase para sa taong ito. Wala kaming malinaw na klase ngunit papasok pa din kami para sa sorpresa namin sa aming mga kabarkada na magdidiwang ng kanilang kaarawan. Maaga ang aming pasok, napakaaga pa nga dahil ito ay sa ganap na alas siete, ngunit desidido akong magsimba. Pagpatak ng 3:15 ng madaling araw ay bumangon na ako para maghanda. Napagdesisyunan ko noong nakaraang gabi na maliligo na ako bago ako magsimba kahit na wala akong mainit na tubig pang ligo. Alas kwatro na at magsisimula na ang misa kaya tumungo na ako ng simbahan. Pagkaraan na isang oras at kalahati ay natapos na ang misa at umuwi na ako sa amin. Tutal ay maaga pa, nakuha ko pang maglinis ng bahay ngunit hindi ang kumain. Ayoko kasi ng agahan at wala pa akong gana.
Narating ko ang eskwelahan at unti – unti kaming nakukumpleto. Habang hinihintay ang ilan ay naramdaman ko nang magkakasakit ako. Noong nasa wi-fi area kami ay sumakit na ang ulo ko at sinumpong na ng ubo. Nagpahinga muna ko saglit sa tambayan. Kanya – kanya kami ng paglilibangan para maaliw ang isusupresa at para na din makalimot sa gutom. Bahagya na kong naiinis dahil ilang beses na kaming nagpaparinig na nagugutom na ay hindi pa din sila kumikilos. Alam naman nila na hindi nag - agahan ang iba at mayroon pang sakit ang ilan tulad ko. Nang magkabukingan sa sopresa ay napagdesisyunan ng kumain.  Pasado ala una o alas dos na nung nagsimula kami. Iniwan ko sila kahit hindi pa naman uwian dahil mayroon pa akong isang lakad. Nakuha ko pang gumala sa kabila ng aking sakit. J
Natapos ang maghapon at umpisa na ng bakasyon. Pagkauwi ay nakumpirma kong may lagnat na nga ako. Lagnat, ubo, sipon at mabigat na pangangatawan ang isinalubong ko sa tita kong bagong dating. Todo iwas muna ko sa mga kamag – anak ko lalo na sa mga bata. Baka kasi mahawa pa sila. Itinulog ko agad ang nararamdamn ko pagkatapos kong kumain ng kaunti at makainom ng gamot.
Kinabukasan ay nagising ako ng alas tres ng hindi sinasadya. Gising ko dapat iyon para makapagsimba ngunit medyo hirap pa ang katawan ko kaya naging para sa pag – inom ng gamot na lang ang paggising ko. Natulog na lang ako ulet para gumaling agad at makapagsimba na bukas. Naging maganda naman ang kundisyon ko ng araw na iyon ngunit naiinis naman ako dahil hindi ko na makukumpleto ang simbang madaling araw ko. Sabi ko sa sarili ko ay hayaan na lang ngunit sana ay yun na lang ang kulang ko. Lumipas ang isa pang araw at gumising ako ulet ng ganung oras. Gising na pala ang tita ko noon at pinagsabihan niya akong huwag na lang muna magsimba. Ipahinga ko na lang daw muna ang aking sarili. Wala akong nagawa kundi sumunod pero napag – isip kong tama naman siya. Baka kasi magtagal pa iyon lalo at hindi ako makapagsimba pa sa mga susunod na araw. Nakakahiya din kasing ubo ako ng ubo sa simbahan.
Lumipas ang mga araw at natapos ko ang nalalabing mga simbang madaling araw. Dalawang araw akong nagmintis at ito ang nangyaring nakakainis sa aking bakasyon ngayong taon. Hindi ko kasi natupad ang aking gustong gawin. Sana sa susunod na taon ay makumpleto ko na ang simbang madaling araw ko.