“Ma hindi po maganda pakiramdam ko.” Ganyan ako madalas kapag mayroon akong sakit. Ito ang isa sa mga kinaiinisan kong mangyayari sa akin. Ayokong mayroon akong sakit lalo na kung ito ay ubo. Hirap na hirap kasi ako sa ubo. Mayroong mga bagay na hindi ko nagagawa kapag ako’y may sakit. Wala kasi sa kundisyon ang aking katawan.
Tuwing ika – 16 ng disyembre ay sinisimulan ang simbang madaling araw. Kung simbang gabi naman, ito ay sinisimulan kapag ika – 15 ng disyembre. Ito ang simula ng taunang siyam na araw na pagsisimba bilang paghahanda sa kapaskuhan. Ang sabi, kapag nabuo mo ang siyam na araw ay matutupad ang kahilingang binanggit mo noong unang araw. Nakagawian ko na ring magsimbang madaling araw ngunit sa ilang taon ko ng pagsisimba ay ni minsan hindi ko ito nakumpleto. Ngayong taon ay gustong – gusto ko itong makumpleto. Hindi dahil sa may hihilingin ako. Nung nakaraang taon kasi ay isang araw lang ang kulang ko.
Dumating ang ika – 16 ng disyembre. Ito din ang huling araw ng klase para sa taong ito. Wala kaming malinaw na klase ngunit papasok pa din kami para sa sorpresa namin sa aming mga kabarkada na magdidiwang ng kanilang kaarawan. Maaga ang aming pasok, napakaaga pa nga dahil ito ay sa ganap na alas siete, ngunit desidido akong magsimba. Pagpatak ng 3:15 ng madaling araw ay bumangon na ako para maghanda. Napagdesisyunan ko noong nakaraang gabi na maliligo na ako bago ako magsimba kahit na wala akong mainit na tubig pang ligo. Alas kwatro na at magsisimula na ang misa kaya tumungo na ako ng simbahan. Pagkaraan na isang oras at kalahati ay natapos na ang misa at umuwi na ako sa amin. Tutal ay maaga pa, nakuha ko pang maglinis ng bahay ngunit hindi ang kumain. Ayoko kasi ng agahan at wala pa akong gana.
Narating ko ang eskwelahan at unti – unti kaming nakukumpleto. Habang hinihintay ang ilan ay naramdaman ko nang magkakasakit ako. Noong nasa wi-fi area kami ay sumakit na ang ulo ko at sinumpong na ng ubo. Nagpahinga muna ko saglit sa tambayan. Kanya – kanya kami ng paglilibangan para maaliw ang isusupresa at para na din makalimot sa gutom. Bahagya na kong naiinis dahil ilang beses na kaming nagpaparinig na nagugutom na ay hindi pa din sila kumikilos. Alam naman nila na hindi nag - agahan ang iba at mayroon pang sakit ang ilan tulad ko. Nang magkabukingan sa sopresa ay napagdesisyunan ng kumain. Pasado ala una o alas dos na nung nagsimula kami. Iniwan ko sila kahit hindi pa naman uwian dahil mayroon pa akong isang lakad. Nakuha ko pang gumala sa kabila ng aking sakit. J
Natapos ang maghapon at umpisa na ng bakasyon. Pagkauwi ay nakumpirma kong may lagnat na nga ako. Lagnat, ubo, sipon at mabigat na pangangatawan ang isinalubong ko sa tita kong bagong dating. Todo iwas muna ko sa mga kamag – anak ko lalo na sa mga bata. Baka kasi mahawa pa sila. Itinulog ko agad ang nararamdamn ko pagkatapos kong kumain ng kaunti at makainom ng gamot.
Kinabukasan ay nagising ako ng alas tres ng hindi sinasadya. Gising ko dapat iyon para makapagsimba ngunit medyo hirap pa ang katawan ko kaya naging para sa pag – inom ng gamot na lang ang paggising ko. Natulog na lang ako ulet para gumaling agad at makapagsimba na bukas. Naging maganda naman ang kundisyon ko ng araw na iyon ngunit naiinis naman ako dahil hindi ko na makukumpleto ang simbang madaling araw ko. Sabi ko sa sarili ko ay hayaan na lang ngunit sana ay yun na lang ang kulang ko. Lumipas ang isa pang araw at gumising ako ulet ng ganung oras. Gising na pala ang tita ko noon at pinagsabihan niya akong huwag na lang muna magsimba. Ipahinga ko na lang daw muna ang aking sarili. Wala akong nagawa kundi sumunod pero napag – isip kong tama naman siya. Baka kasi magtagal pa iyon lalo at hindi ako makapagsimba pa sa mga susunod na araw. Nakakahiya din kasing ubo ako ng ubo sa simbahan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento