Biyernes, Disyembre 30, 2011

Anghel na Makulit



“MARVY! Umuwi ka na.” Ganyan kadalasan ang sigaw ko sa may amin. Magkakalapit  kasi kami ng mga bahay. Anim na pamilya kami ditong magkakamag - anak. Hindi ko na naman kasi mahagilap sa bahay ang makulit na bata. Malamang ay nakikipaglaro ito sa pinsan namin o sa tita namin sa kabilang bahay.
Si Marvy ay kapatid ko. Siya ay limang taong gulang pa lamang. Isang maputi, matangkad, gwapo at bibong bata ito. Maraming tao ang aliw na aliw sa kanya. Ang karamihan sa mga kababaihan na nakakakita sa kanya ay nais siyang maging boypren nila o ng kapatid nila. May star factor kasi ito. Hilig pa nito ang kumanta(kahit na wala sa tono), sumayaw(kahit na matigas ang katawan) at manggaya ng mga napapanuod nito sa telebisyon tulad ng mga komersyal. Halos lahat na ata ng komersyal ay alam nito. Ang hilig kasi manuod e, mapatelebisyon man o ung mga vcd. Marunong din siyang magcomputer. Marunong siyang maglaro ng kung ano – anong laro na nakasave. Siya pa mismo ang magbubukas at magsasara nito. Nagbubukas din siya ng internet para maglaro. Hindi papahuli itong kapatid ko sa mga ganyan kahit na hindi pa ito sanay magbasa.
Napakamalapit nito sa akin. Ako kasi ang nag – aalaga sa kanya kahit pa nung baby pa siya. Ako kasi ang panganay sa aming tatlong magkakapatid at hilig ko naman talaga ang mga bata. Nakakatuwa kasi sila. Kahit ano atang gawin nila ay matutuwa ka. Halos ako ang tumayong nanay niya o yaya niya. May pasok kasi si mama kaya sa akin siya naiiwan noon. Hindi pa naman ganun kaalaga ung isa kong kapatid. Ako ang magtitimpla ng gatas, ako ang magkakarga, ako ang makikipaglaro, ako ang magpapatulog at ako din ang maglalaba ng mga damit niya. Madalas niya akong kasama sa kulitan at lahat. Kada uwi ko nga galling sa paaralan ay may uwi ako sa kanyang pagkain. Mapili kasi ito sa pagkain niya. Ang kinakain niya lang ay biskwit, tinapay, kanin na may sabaw at gulay, at ilan pang mga pagkain. Hindi siya kumakain ng isda at karne. Sunod tuloy sa gustong pagkain. Ipagmamcdo pa nga yun para lang kumain ng kapirasong manok.
Nung minsang nagsimba kaming pamilya ay may nakasalubong kaming kaibigan ni mama. Akala nito ay anak ko si Marvy. Marami na nga naman ang nagkakaanak ng maaga. Hindi din kasi nakita nito na nagbuntis si mama. Hindi kasi ito palalabas at ganun na din kami ng isa ko pang kapatid. Natawa na lang ako sa tinuring ng kaibigan ni mama. Wala naming masama dahil malapit lang talaga ako sa kapatid ko. Minsan din kasi ay nak na ang tawag ko sa kanya. Parang lambing ko na din sa kanya.
Siya ang kumompleto sa pamilya naming. Siya ang nagpapasaya sa araw – araw namin kahit na nagiging matigas na ang ulo nito. Napakamapagmahal at maaalalahanin din kasi nito. Simpleng yakap at halik lang galing kay bunso ay ikatutuwa mo na. at sasamahan pa niya iyon ng pangungulit kung ano ang uwi mo. Sampung taon siyang plinano ng mga magulang ko. Sampung taon kaming nag -  antay ng kapatid ko. At masasabi kong “worth it” naman na nagdesisyon silang sundan pa nga ang kapatid ko. Dahil sa kanya naging masaya ang buhay namin. Mas naging makulay ang aming pagsasamahan. Isa siyang anghel na napakakulit at pilyo. Siya ang munting anghel ko sa buhay ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento