Tao o ibon? Iyan ang tanong kapag mamimili ka
gamit ang barya. Katulad ng barya ang mundo natin o sabihin na nating ang ating
buhay dahil mayroon itong dalawang mukha. Sa barya ay ang tao at ibon at sa
buhay natin ay ang kabutihan (tama) at kasamaan (mali).
Ito
ang gustong ipakita ni Joey Ayala sa kanyang kanta na Magkabilaan, na ang bawat
bagay ay mayroong kabaligtaran, ang itim ay sa puti, ang sa liwanag ay sa
dilim. Sabi pa niya, “ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba”. Ito ang
sumusuporta sa madalas na sabihin natin sa isang tao na “hindi mo kayang ipanig
sa’yo ang lahat ng tao”. Ito ang dahilan kaya tayo ay nagkakaroon ng
magkakaibang paniniwala sa buhay, kaya nagkakaroon ng mabuti at masama.
Ang
lipunan natin ay nahahati sa dalawa, ang mga mahihirap at ang mga mayayaman.
Ang karamihan ay napapabilang sa mga mahihirap. Sila ang nagpapakahirap sa
pagtratrabaho para lang sa ikayayaman ng iilan. Sila na nga ang nahihirapan, kadalasan
ay hindi pa maibigay ang tamang pagtrato at benepisyo sa kanila. Silang mga
mahihirap pa ang walang makain sa araw – araw, ang may tahanang gawa sa
materyales na madaling masira at ang may hindi asensadong pamayanan. Kung sino
pa ang mayaman na nasa posisyon sa lipunan, ay siya pang may gusto na paglingkuran
ng mga mahihirap. Ang mga buwis na ibinabayad sa pamahalaan ay siya pa nilang
ibubulsa para sa pag angat nila.
Hindi
ba nakakasawa ang ganitong takbo na lipunan? Ilang dekada na ang lumilipas
ngunit marami pa din ang hindi kuntento sa takbo ng ating lipunan. Ang ilan ay
umaasa sa proyekto ng gobyerno ngunit sila ay nabibigo. At dahil sa kabiguan na
ito ay minsan sila’y nakakagawa ng hindi maganda sa kapwa. Maraming mga bagay
ang nag uugat sa masamang pagpapatakbo sa ating gobyerno. Hindi pa ba sapat ang
mga nangyari noon upang tayo ay mamulat at kumilos na para sa magkabilaang
mundo natin? Nawa’y naliwanagan nang kanta ang ating mga isipan. Nawa’y pumanig
na tayo sa mga taong may tapat na hangarin para sa ating lipunan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento